Bahay ni PNoy nilusob ng mga magsasaka

MANILA, Philippines - Nilusob ng may 400 magsasaka mula sa Hilaga at gitnang Luzon ang tahanan ng Pangulong Benigno Aquino III sa Times St., Quezon City at nagsagawa ng kilos protesta kahapon.

Ayon sa mga magsasaka, kailangan na umanong umalis sa puwesto ang Pangulo dahil bigo anya itong maipatupad ng maayos ang Comprehensive Agrarian Reform Program (CARP).

Kasabay ng kilos protesta ay nagsunog pa ang mga magsasaka ng effigy ng Pangulo.

Hindi naman tuluyang nakalapit ng mga magsasaka sa mismong bahay ng Pangulo dahil napigilan na sila ng may 100 tropa ng Quezon City Police District na nagbabantay sa lugar at naglagay ng barikada.

Ayon kay Joseph Canlas, vice chairman ng Magbubukid ng Pilipinas, wala anyang ginagawa ang Pangulo para maipamahagi ng maayos ang lupa kahit sa Hacienda Luisita na pagmamay-ari ng kanyang mga kamag-anak.

Bigo umano ang Carper na baguhin ang buhay ng mga magsasaka simula ng ipatupad ito kaya itinutulak nilang maisabatas ang Genuine Agrarian Reform Bill (GARB) kung saan ipapamahagi umano ang lupa ng libre sa mga magsasaka.

Ang martsa ay pang-anim na araw nang ginagawa ng mga magsasaka sa iba’t-ibang probinsya sa gitnang Luzon at ngayong araw na ito ay magtutungo sila sa Mendiola.

 

Show comments