Nasambit ang killer bago namatay

Umiiyak si Ginang Tess Dickey sa tabi ng bangkay ng  kanyang anak na si Michael matapos na barilin sa pisngi ng isang alyas Nani Tomboy kahapon ng madaling-araw sa alley ng Block 15, Baseco Compound, Port Area, Maynila. - Bening Batuigas-

MANILA, Philippines - “Bhe, binaril ako ni Nani Tomboy”.

Ito ang nasambit ng isang 42-anyos na lalaki sa kapatid kung sino ang bumaril sa kanya bago tuluyang nalagutan ng hininga naganap kahapon ng madaling-araw sa Port Area, Maynila.

Nasawi noon din dahil sa dalawang tama ng bala ng baril sa pisngi ang biktimang si Michael Dickey, ng Baseco Compound Port Area.

Ayon sa salaysay ng kapatid ng biktima na si Jerlyn, 29-anyos, nang yakapin niya ang naghihingalong kuya ay nagsalita pa ito na siya ay binaril ng isang alyas Nani Tomboy.

Agad na tinungo ng pulisya ang bahay ng suspek na si alyas Nani Tomboy na residente rin sa lugar, subalit nakatakas na ito.

Batay sa ulat, dakong ala-1:00 ng madaling araw nang makarinig ng magkasunod na putok ng baril si Jerlyn kaya dumungaw ito sa bintana upang alamin kung saan nagmula ang putok.

Nakita niya ang kaniyang kuya na duguan at agad niyang nilapitan at nagawa pang ibulong  kay Jerlyn   kung sino ang  bumaril sa kaniya bago tulu­yang nawalan na ng ulirat at nalagutan ng hininga.

Patuloy ang imbestigasyon kung ano ang dahilan bakit pinatay ng suspek ang biktima. - Ludy Bermudo, Patrick Roy Andal (trainee) -

 

Show comments