Minero pinatay sa makukuhang kayamanan

MANILA, Philippines - Halos maputol ang leeg ng isang minero nang tagain ito ng kasama dahil sa agawan sa makukuhang   kayaman naganap kamakalawa sa Brgy. Cansayong, Malimono, Surigao del Norte.

Ang nasawi ay kinilalang si Louie Domingo, 40, minero at residente ng Brgy. Buhangin, Davao City na nagtamo ng malalim na taga sa ulo at leeg bukod pa sa tinamong mga sugat at mga pasa sa matitinding hampas ng dos por dos na kahoy sa iba’t ibang bahagi ng katawan.

Sumuko ang suspek na si Felix Pabonita, 58, minero ng Nabunturan, Compostela Valley at isinuko ang ginamit na itak at kahoy sa krimen.

Nakuha rin sa suspek ang isang cal. 45 pistol na may isang magazine at pitong bala na sinabi nitong pag-aari ng biktima na umano’y inunahan lamang niya.

Sa imbestigasyon, dakong alas-3:30 ng hapon  nang maganap ang insidente sa lugar na pinagmiminahan ng dalawang minero sa Purok 1, Brgy. Cansayong, Malimono.

Nagkainitan umano ang suspek at ang biktima dahilan sa posibleng kayamanan na mahuhukay ng mga ito sa kanilang pagmimina sa lugar na humantong sa mainitang pagtatalo.

Sa gitna ng pag-aaway  ay bigla na lamang pinagtataga ng suspek ang biktima na hindi pa nakuntento ay hinambalos pa ito ng sunud-sunod ng dos por dos.

 

Show comments