SONA ni PNoy iboboykot ni Lani

MANILA, Philippines - Iboboykot ni Cavite Rep. Lani Mercado-Revilla ang State of the Nation Address (SONA) ng Pangulong Benigno ‘Noynoy’ Aquino III sa darating na Hulyo 27.

Ayon kay Rep. Lani, wala siyang balak na dumalo sa SONA dahil sa posibleng hiyain lamang ng Pangulo ang kanyang pamilya.

Sinabi ni Lani, ito na ang ikalawang pagkakataon na hindi siya dadalo ng SONA ng Pangulo subalit umaasa pa rin na may magandang sasabihin si PNoy na ikatutuwa ng sambayanan.

Inaasahan na rin ng kongresista na isasama ng Pa­ngulong Aquino sa kanyang SONA ang pork barrel cases at ibabandera din nito ang pagkakakulong ni Senador Bong Revilla.

Aniya, maraming beses na rin umano silang naging biktima ng kahihiyan ng administrasyon.

Giit pa Lani, noong pumunta ang Pangulo sa Cavite ay sinabihan nito ang mga Caviteño na huwag basta maniniwala sa anting-anting at agimat samantalang noong independence speech naman nito inihayag na kung pipili ng mamumuno sa bayan ay iyong basta huwag marunong magbasa ng script, sumayaw at kumanta.

Dahil sa ilang ulit na umano itong ginawa ng Pangulo kaya posibleng maulit pa ito sa SONA para manghiya o anuman ang intensiyon nito.

Inaasahan na rin umano ng kampo ng mga Revilla na minadali ang pagpa-file ng kaso sa tatlong senador at pagpapakulong kay Senador Bong upang mabanggit ng Pangulong Aquino sa kanyang nalalapit na SONA.

Samantala, inihayag naman ni PCOO Sec. Herminio Coloma Jr. na walang layunin ang Pangulong Aquino na ipahiya ang mga mambabatas na nakasuhan dahil sa pork barrel fund scam sa kanyang darating na State of the Nation Address (SONA).

Aniya, iginagalang ng Malacañang ang anumang paniniwala ni Rep. Lani Mercado-Revilla pero Iginiit ng PCOO chief na walang hangaring magpahiya ang Pangulo sa SONA nito.

 

Show comments