Pulis nalitratuhan ng kinotongan na motorista

MANILA, Philippines - Walang lusot ang isang nagpakilalang pulis-Crame dahil sa nalitratuhan siya ng isang ginang na kinotongan nito ng halagang P400 sa Singalong, Malate, Maynila dahil umano sa paglabag sa batas-trapiko na naganap kamakalawa ng umaga.

Dala pa ng complai­nant na si Ana Camuel Lightfoot, 34-anyos, ang mga nakunan niyang lit­rato ng suspek na nakamotorsiklo nang magtungo sa Manila Police District-General Assigment Section.

Makikita sa litrato ang nagpakilalang pulis na nakasuot ng blue with white piping na pantalon o GOA-B PNP uni­form, naka-jacket ng itim, naka-duty shoes na balat, nakahelmet ng kulay silver, may kahon o package na nakatali sa likod ng motorsiklong minamaneho nito na kulay pula at may plakang 1768 NM.

Sa salaysay ng ginang, dakong alas-11:00 ng umaga nang sitahin ng pulis ang mister niyang si Damon Lightfoot, 31, American national, dahil tinted umano ang sasak­yan nilang Hyundai Grace van  (XGC-747).

“May traffic violation daw po kami dahil tinted yung van namin, pinipilit ho niya kami na magbigay sa kanya ng P2,000, Eh ang sabi ko eh wala kaming pera kaya kinuha niya yong P400. ko at galit pa siya,” anang ginang.

Sinabihan pa umano siya ng pulis na titiketan at tanggalin ang plaka ng van at binalaan pa na kukunin ang cellphone niya nang mapansin na kinukunan niya ng litrato gamit ang cellphone.

Nagawa niyang mag­labas ng P400 dahil sa takot sa nasabing pulis at huwag silang tiketan.

Nang makuha ng suspek ang P400 ay humarurot na umano ito patakas.

 

Show comments