Kelot nahulog sa walkway ng MRT

Tinakpan ng dyaryo ang bangkay ng hindi pa kilalang lalaki matapos mahulog sa walkway ng MRT-Boni Station kahapon.-Boy Santos-

MANILA, Philippines - Dead-on-the spot ang isang hindi pa nakikilalang lalaki matapos na ito ay mahulog kahapon ng hapon sa walkway ng Boni Station ng Metro Rail Transit (MRT) sa Mandaluyong City.

Lumagapak sa gitna ng northbound lane ng EDSA ang hindi pa nakikilalang lalaki na  isinalarawan na nasa pagitan ng edad 30-40, nakasuot lamang ng shorts at bahagyang madumi ang hitsura.

Batay sa ulat ng pulisya, pasado alas-1:00 ng hapon, bago ang insidente ay nakita pa ng security guard ng MRT ang lalaki na nakaupo sa gilid ng walkway na siyang nagsisilbing tulay.

Nang sitahin ng sekyu ay nawalan umano ng balanse ang biktima at nahulog na agad nitong ikinasawi sanhi ng ma­tinding pinsala na tinamo sa ulo at katawan. Nagdulot naman ng matinding pagsisikip sa daloy ng trapiko ang insidente dahil dalawang lane lamang ang nadaanan ng mga motorista. 

Patuloy ang imbestigasyon kung aksidente ang pagkahulog o sad­yang tumalon ito.

 

Show comments