MANILA, Philippines - Hindi agad agad maaaresto sina Senators Juan Ponce-Enrile, Jinggoy Estrada at Bong Revilla kahit na nai-raffle na ang kaso nilang plunder at graft sa Sandiganbayan kaugnay ng pork barrel scam.
Sa 3rd Division na pinamumunuan ni Justice Amparo Cabotaje-Tang napunta ang isang plunder case at 15 graft cases ni Enrile.
Dahil nag-inhibit si Justice Gregory Ong ng 4th Division, lumundag sa 5th Division na pinamumunuan ni Justice Roland Jurado at napunta sa kanya ang isang kasong plunder at 11 kasong graft ni Estrada.
Napunta naman sa 1st Division ni Justice Efren dela Cruz ang isang plunder case at 16 graft cases ni Revilla.
Ngayong nai-raffle na ang mga kaso ng naturang mga mambabatas, magdedesisyon na ang Sandiganbayan kung dapat nang magpalabas ng warrant of arrest laban sa mga akusado.
Sa kabila na hinihintay pa rin ng Sandiganbayan kung ano ang magiging desisyon ng Korte Suprema sa hiling ng tanggapan ng Ombudsman na bumuo ito ng dalawang special divisions sa hahawak sa lahat ng pork barrel cases na nakasampa sa graft court.
Sakaling katigan ito ng SC, ililipat na lamang doon ang mga kaso ng tatlong senador at iba pang personalidad katulad ni Janet Lim Napoles.
Samantala, sinabi ni Sandiganbayan executive clerk of court Renato Bocar na may 10 araw pa ang mga justices para pag-aralan ang naturang kaso.
Subalit, hindi aniya ibig sabihin na pagkatapos ng 10 araw ay maglalabas kaagad ng arrest warrant ang graft court dahil sa kailangan pa ng mga SandiganbaÂyan justices ng panahon para pag-aralan ang naturang mga kaso.