MANILA, Philippines - Pinaigting ng Olongapo Electricity Distribution Company, Inc. (OEDC) ang pagsisikap nito na magkaloob ng maaasahan at sapat na distribusyon ng kuryente sa lungsod sa pagsasamoderno sa iba’t ibang pasilidad pang-elektrisidad ng mahigit 50 taon nang imprastrukturang pang-enerhiya.
Kabilang sa mga prayoridad na proyekto ang CBMU Substation sa Kalaklan na nagsusuplay ng kuryente sa malaking bahagi ng Central Business District ng Olongapo City.
Nauna rito, nagkabit ng bagong 20 MVA power transformers sa CBMU para palitan ang depektibo at overloaded na 10 MVA, 69/4.16 kV power transforÂmers dahil sa pagtatasa ng OEDC na ang overloading ang isa sa mga problemang nakakaapekto sa kalidad ng serbisyo lalo sa Central Business District na kinaroroonan ng marami sa mga kostumer na sinusuplayan ng CBMU Station.
Magkakaroon ng enerhiya ang mga power transformer sa loob ng ilang araw matapos makumpleto ang lahat ng pagsubok at papalitan din ang ilang mahalagang bahagi sa mga substation kabilang ang mga lumang power fuses, electronic relays at control panels.
Nilinaw din ng OEDC na ang mga pagbabago ay tumutugon sa kaligtasan at istandard ng Energy Regulatory Commission, National Grid Corporation of the Philippines, Department of Energy, Philippine Electrical Code at iba pang ahensiya ng pamahalaan.