TRO hiling ni Gigi vs pork barrel case

Nagsagawa ang mga militanteng grupo ng rali kahapon sa harap ng Korte Suprema.EDD GUMBAN

MANILA, Philippines - Hiniling ng dating chief of staff ni Senador Juan Ponce Enrile na si Atty. Jessica Lucila “Gigi” Reyes sa Supreme Court na magpalabas ng temporary restraining order o writ of preliminary injunction para pigilan ang Ombudsman sa pag-usig sa kasong pork barrel scam laban sa kanya.

Sa 81-pahinang petisyon for certiorari and prohibition, hiniling ni Reyes na ipawalang-bisa ang joint resolution ng Ombudsman na may petsang March 28, 2014 na nagsasabing may probable cause para siya ay sampahan ng kasong plunder at graft, gayundin ang joint order na may petsang June 4, 2014 na nagbabasura sa kanyang motion for reconsideration.

Ayon kay Reyes na nagkaroon umano ng  grave abuse of discretion sa panig ng Ombudsman nang ipalabas nito ang kinukwestiyong kautusan dahil ang findings of probable cause laban sa kanya ay ibinase lamang sa sinumpaang salaysay ni Ruby Tuason.

Sa kabila umano ng kanilang paulit-ulit na kahilingan, hindi sila na­bigyan ng Ombudsman ng kopya ng affidavit ni Tuason.

Kaya’t hiniling ngayon ni Reyes sa SC na atasan nito ang Ombudsman na muling isalang sa preliminary investigation ang kaso at bigyan sila ng kopya ng lahat ng mga affidavit ni Tuason nang sa gayon ay mabigyan siya ng pagkakataon na mapabulaanan ang mga paratang laban sa kanya.

Show comments