MANILA, Philippines - Pinagbabaril hanggang sa mapatay ang isang estudyanteng Tsinoy dahil sa umano’y alitan sa computer game sa isang establisyementong komersyo sa labas ng campus sa Marawi City, Lanao del Sur kamakalawa ng gabi.
Ang biktima na si Samuel Go III, 21, tubong Surigao at estudyante ng BS Agricultural EngineeÂring sa Mindanao State University ay idineklarang dead-on-arrival sa Amai Pakpak Medical Center bunsod ng tama ng bala ng baril sa kanyang ulo.
Sa ulat ng Marawi City Police, alas- 7:25 ng gabi ng maganap ang insidente habang ang biktima kasama ang dalawa pang babaeng estudyante ay papasok sa Hamida Store upang bumili ng pagkain ng biglang dumaan ang isang kabataang lalaki at mabilis na pinagbabaril ang biktima at saka agad na tumakas.
Bago naganap ang insidente ay nakita ang biktima na pumasok sa All Star Internet Café at naglaro ng Dota.
Pinaniniwalaan naman na napahiya ang suspect matapos na talunin ng biktima sa nasabing Dota.
Narekober naman ng mga nagrespondeng opeÂratiba ng SOCO team ang mga basyo ng bala ng cal 9 MM pistol sa crime scene. Isinasailalim pa sa masusing imbestigasyon ang kaso.