MANILA, Philippines - Hindi nakalusot kahapon sa Commission on Appointments si Justice Secretary Leila De Lima sa gitna na rin ng mga oposisyon laban sa kanyang kumpirmasyon.
Sinuspinde kahapon ng CA-Committee on Justice and Judicial Bar Council ang hearing para sa kumpirmasyon ni De Lima at isasalang muli ito sa susunod na linggo bago magbakasyon ang Kongreso.
Kabilang sa mga kumontra sa kumpirmasyon ni De Lima si Sandra Cam na tumatayong presidente ng Whistleblowers Association of the Philippines.
Inisa-isa ni Cam ang mga dahilan kung bakit kontra siya sa kumpirmasyon ni De Lima gaya ng umano’y pagtulong nito na makatakas ang Reyes brothers at binalewala rin umano nito ang isang whistleblower na nagbunyag ng korupsiyon na nagaganap sa Bureau of Corrections. Ngunit ang lahat ng ito’y mariing itinanggi naman ni De Lima.
Inihayag pa ni Cam na binalewala ni De Lima ang kanyang text message na si Joel Reyes, na dating gobernador ng Palawan at ang kanyang kapatid na si Mario na dating mayor ng Coron ay nakatakas na palabas ng bansa nabinÂbing warrant of arrest laban sa kanila kaugnay sa diumano’y pagpatay sa mamamahayag na si Gerry Ortega noong 2011.
Tinanggal pa umano ni De Lima sa Witness Protection Program ang Prison Guard 3 na si Kabungsuan Makilala matapos nitong ibunyag ang katiwalian sa loob ng BuCor.
Bukod kay Cam kabilang sa mga tumututol sa kumpirmasyon ni De Lima si dating Siquijor Rep. Orlando Fua, at isang pribadong indibiduwal na nagngangalang Virginia Libunao.
Nagbabala pa si Cam na posibleng sapitin din ng mga whistle blowers ng pork barrel fund scam ang sinapit nila sa ilalim ng pamamahala ni De Lima.
Sa opening statement naman ni De Lima mariin nitong sinabi na simula ng magsilbi siya sa gobyerno halos 24/7 ang ginagawa niyang trabaho.