Ex-Brgy. Chairman utas sa tandem

MANILA, Philippines - Utas ang isang dating barangay chairman makaraang pagbabarilin ng riding-in-tandem sa Malabon City, kahapon ng tanghali.

 Hindi na umabot sa Pagamutan Lungsod ng Malabon ang biktimang si Jojo Cruz, 50-anyos, ng Valdez Street, Brgy. Catmon, ng naturang lungsod.

 Sa ulat ng Malabon Police, dakong alas-12:55 ng tanghali nang pumarada ang biktima sa Gov. Pascual Street, Brgy. Catmon, ng naturang lungsod, malapit sa kanyang bahay.  Dito sumulpot ang mga salarin at walang sabi-sabing pinagbabaril ng malapitan ang biktima saka mabilis na tumakas lulan ng isang motorsiklo.

 Ayon sa isang saksi, una na niyang nakita ang mga suspek sakay ng isang motorsiklo na tila may hinihintay sa naturang lugar hanggang sa maganap ang krimen.  Bigo naman ang saksi na makuha ang plaka ng motorsiklo.

 Ayon sa kapatid ng biktima na si Mario na pumalit bilang Chairman ng kanilang barangay, ilang buwan na ang nakalilipas nang unang barilin ang kanyang kapatid sa sikmura ngunit nakaligtas ito nang agad na maisugod sa pagamutan. 

Maaaring ang mga taong unang nagtangka sa buhay ng kanyang kapatid ang siya ring utak sa naganap na pamamaslang.

Show comments