Holdaper todas sa bigong pawnshop robbery

Sinisiyasat ng SOCO ang bangkay ng isang hol­daper na napatay ng mga pulis matapos na masilat ang kanilang panghoholdap sa isang pawnshop sa Dagupan City kahapon.- Cesar Ramirez-

MANILA, Philippines - Napatay ng mga otoridad ang isa sa apat na holdaper nang makipagbarilan ang mga ito matapos mabigo sa panghoholdap sa isang pawnshop kahapon sa Dagupan City, Pangasinan.

Sa ulat ng Dagupan City Police, bandang alas-12:00 ng tanghali nang pasukin ng apat na armadong suspek ang BHF Gemline and Pawnshop  sa kahabaan ng A. B. Fernandez Avenue sa lungsod na ito.

Nagpanggap umanong kustomer ang mga suspek at nang makapasok sa pawnshop agad nagdeklara ng holdap.

Agad pinadapa ng mga suspek ang mga empleyado maliban sa kahera na inuutusan na ilagay ang pera at mga alahas sa bag.

Nasilip naman ng guwardiya na nasa labas ng pawnshop ang insidente kayat agad na humingi ng tulong sa mga nagpapatrulyang operatiba ng Pangasinan Police.

Nang rumesponde ang mga pulis ay nakipagpalitan ng putok ang mga suspek sa mga pulis  at ilang guwardiya na kung saan ay tinamaan ang isa sa mga suspek.

Nagawang makatakas ang tatlong kasamahan ng napatay na suspek na inilarawan na  nakasuot ng kulay asul na tshirt at naka-short.

Nabatid na ang nasabing pawnshop ay hinoldap na rin ng mga pinaghihinalaang mi­yembro ng Martilyo gang  noong 2012.

 

Show comments