MANILA, Philippines - Itinatanggi ng Bluemax Tradelink Inc. ang akusasyon na ang kanilang kumpanya ay sangkot sa iligal na pagmimina ng ‘black sand’ sa iba’t ibang lugar ng Zambales lalo na sa lugar ng Botolan.
Ayon sa Bluemax Tradelink Inc., na ang kanilang kumpanya ay nagpoproseso lamang ng lahar sand export sa malalapit na bansa sa Pilipinas at mapapatunayang legal ng lokal na gobyerno kaya’t ang mga naglabasang ulat sa media ay paninira lamang.
Naging malaking problema sa karatig na lugar ng gitnang Luzon lalo na sa Tarlac, Pampanga at Zambales ang mapanirang pagdaloy ng lahar sa mga sapa at ilog lalo na tuwing sasapit ang tag-ulan simula pa noong pumutok ang bulkang Pinatubo noong 1991.
Kaya’t humingi ang provincial government ng tulong sa mga pribadong kumpanya tulad ng Bluemax na tanggalin ang lahar sa lugar nang walang hinihinging kahit anong kabayaran na nagbigay pa ng trabaho sa mga mamamayan ng Zambales.
Nagbigay din ng tulong ang Bluemax sa pagbibigay ng pondo sa mga socio-cultural activities ng komunidad at para din sa mga gamit ng mga mangingisda at pati sa pagpapapaayos ng mga daan sa lugar patungo sa operation area.