MANILA, Philippines - Ipinasa ng Sangguniang Panglungsod ng Caloocan ang isang resolusyon na hihiling sa Kongreso na kilalanin bilang bayani ng lungsod ng Caloocan ang maybahay ni Gat. Andres Bonifacio na si Gregoria “Ka Oryang†De Jesus.
Sa resolusyong iniakda ni Caloocan 1st District Councilor Karina Teh, pinatunayan nito na si De Jesus ay isinilang sa daang Baltazar, ngayon ay P. Zamora Street sa lungsod ng Caloocan noong Mayo 9, 1875.
Tinagurian itong lakambini ng Katipunan bilang sagisag na kabiyak ng Supremo ng Katipunan na si Gat Andres Bonifacio. Naging bahagi rin ito ng himagsikan at nagsulong ng pag-aalsa para sa pambansang kalayaan.
Nakasaad pa sa resolusyon na naging mahalaga ang papel ni De Jesus bilang tagapangalaga at tagapag-ingat ng mahahalagang dokumento at kasulatan ng himagsikan at punong abala sa mga lihim na pulong katuwang si Emilio Jacinto.
Dahil rin kay Ka Oryang, naging inspirasyon siya ni Bonifacio upang higit pang mapag-alab at napatatag ang pamumuno sa himagsikan. Namuno rin ito bilang bise-presidente ng kababaihang sektor at naging halimbawa at inspirasyon para sa kababaihan.
Dahil sa mga kontribusyong ito ni Ka Oryang, sinabi ni Teh na napapanahon na para kilalanin naman ng Kongreso ang kontribusyon nito sa himagsikan at kilalanin bilang isang ganap na Bayani mula sa lungsod ng Caloocan.