MANILA, Philippines - Binaril muna sa ulo ng isang mister ang kanyang misis sa harap ng kanilang 5-anyos na anak na lalaki at pagkatapos ay isinunod naman nito na barilin ang sarili naganap sa silid ng kanilang bahay sa Azucena St., Brgy. Roxas District, Quezon City kahapon ng umaga.
Ang mag-asawa ay kinilalang sina Erika Mauricio, 28 at Al Bryan Padua; kapwa overseas Filipino workers.
Si Erika ay nagtamo ng tama ng bala sa sentido, habang si Al ay nagtamo ng tama ng bala sa bibig na naglagos sa kanyang batok.
Ang krimen ay natuklasan ni Jenalyn Famatiga, kapit-kuwarto ng mag-asawa matapos na humingi ng tulong ang 5-anyos na anak na lalaki ng mag-asawa na umiiyak sa sulok at humihingi ng gatas.
Ang anak ay nasa poder ni Erika sa Dubai at umuwi ng Pilipinas noong Mayo 15, 2014, habang Mayo 17, 2014 naman si Padua na galing naman sa Japan.
Ayon sa ilang kaanak hindi na umano maayos ang samahan ng mag-asawa na madalas na nag-aaway.
Sa salaysay ni FamaÂtiga, bago ang pagkakatuklas sa bangkay ng mag-asawa ay nagising siya dakong alas-3:00 ng madaling araw nang makarinig ng dalawang putok ng baril na hindi niya pinansin.
Dahil sa kuryusidad matapos ang dalawang oras ay nagpasya ito na tignan ang kuwarto at dito ay nakita niya si Erika na duguang nakahandusay sa kama, habang si Al Padua ay nakaupo sa sahig.
Narekober sa lugar ang Colt caliber .45 pistola na may dalawang bala at dalawang basyo nito.