MANILA, Philippines - Dead on the spot ang isang presidente ng Association of Brgy.Captains (ABC) habang nasugatan ang dalawang katao nang tamaan ng ligaw na bala sa isang pananambang kamakalawa sa Calabayog City, Samar.
Ang biktima ay kinilalang si Justiniano Belleza, chairman ng Brgy. Carayman na nasawi noon din dahil sa mga tama ng bala sa iba’t ibang bahagi ng katawan.
Ang mga nasugatan ay kinilalang sina Benido Domayan at Francisco Taduyo, pawang mga bystander na nadamay lamang sa insidente.
Sa ulat, bandang alas-9:45 ng umaga nang mangyari ang insidente sa harapan ng Legislative Building sa kahabaan ng Bugallon Street sa lungsod nang sumulpot sa lugar ang tatlong lalaki na magkakaangkas sa motorsiklo at nakasuot ng helmet.
Bumunot ng baril ang dalawang angkas at pinagbabaril ang biktima.
Isa sa sinisilip na motibo ay may kinalaman sa pulitika.