MANILA, Philippines - Isang lalaki na umano ay ipapasok na sa rehabilitation ang binaril at napatay sa loob ng isang sasakyan kamakalawa ng gabi sa Palanca St., Quiapo, Maynila.
Namatay noon din dahil sa dalawang tama ng bala sa ulo ang biktimang si Laurente Tolosa, 34, ng Maningning St. Sikatuna Village, Quezon City.
Batay sa ulat, dakong alas-8:45 ng gabi nang barilin ang biktima sa loob ng isang Ford Explorer na may plakang XPL-800 na nakaparada sa harap ng BDO sa Quezon Blvd., Palanca St.
Malaki ang hinala ng pulisya na may kinalaman sa droga ang pamamaslang sa biktima na umano ay nakatakda sanang ipasok kahapon sa rehab na kung saan ay minsan na itong pinasok sa rehab dahil sa pagiging addict.
Nabatid din na hindi pag-aari ng biktima ang Ford Explorer dahil ayon sa magulang nito, isang Toyota Corolla ang gamit nito kung kaya’t nagtataka sila kung bakit nakasakay sa nasabing pick-up ang biktima.
Nawawala din ang Toyota Corolla ng biktima habang binebiripika ng mga otoridad kung sino ang nagmamay-ari ng nasabing Ford Explorer.
May posibilidad na planado ang pagpatay sa biktima dahil katabi nito ang gunman na mabilis na tumakas matapos ang pamamaril.
Susuriin din ng pulisya kung sino ang huling katransaksiyon ng biktima sa kanyang cellphone bago ito pinatay.