Antipolo City Mayor hiniling umaksiyon vs hired killers

MANILA, Philippines - Nanawagan ang mga residente ng Cogeo at Pagrai Hills Subdivision kay Antipolo City Mayor Casimiro “Jun” Ynares III na paimbestigahan ang pagkakasangkot ng isang retiradong heneral ng pulisya na nagbibigay ng proteksiyon sa isang dating pulis opisyal na hinihinalang utak  ng land grabbing at gun-for-hire syndicate sa lungsod.

Ayon sa residenteng si Arnulfo Salas na sumaksi sa demolisyon ng mga otoridad nitong Mayo 8 sa Sto. Niño sa Brgy. Mayamot, ipinagmamalaki ng dating pulis opisyal na ito sa mga kasapi ng Pagrai HOAI & Alliance na mahaba ang listahan ng mga papatayin nito sa mga lider ng HOA at iba pang opisyales sa buong Antipolo.

Mula noong 2007, kabilang sa mga pi­naslang sina Maharlika HOAI president Allan Albor at Pagrai HOAI Marica Mondejar na pangulo rin ng Akbay Maralita Lungsod ng Silangan Townside Re­servation.

Noong 2013, magkasunod na pinatay ang mga opisyal ng Cuencoville HOAI na sina Jojo Bacurro at Remy Sucaldito at malubhang nasugatan si Dunn Asencio pero walang naaresto kahit isang suspek ang pulisya.

“Paano kikilos ang mga pulis kung sila mismo ang suspek sa pagpatay?” sabi ni Salas na pinsan ng dating pinuno ng New People’s Army (NPA) na si Rodolfo Salas, alyas “Kumander Bilog.”

Idinagdag ni Salas na hindi sila naniniwala na may alam si Mayor Ynares sa pagpatay sa mga lider ng HOAI sa Antipolo dahil ang mga miyembro ng mga ito ang nagpanalo sa alkalde sa huling halalan.

 

Show comments