Notoryus na gun for hire tiklo sa shabu

MANILA, Philippines - Hindi na nakatakas pa sa isang buy bust operation ng Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) ang isang notoryus na gun for hire gang member matapos itong magbenta ng shabu sa isang poseur buyer kamakalawa sa  Maguindanao.

Ang nasakoteng suspek ay kinilalang si Dida Bantay Alfonso, 48, wanted sa gun for hire at residente ng Datu Odin Sinsuat, Maguindanao.

Nabatid na si Dida ay kapatid ni Tuli Bantay Alfonso, isang miyembro ng Bua drug group na nakatakas sa buy bust operation ng mga operatiba ng PDEA Regional Office-Autonomous Region in Muslim Mindanao kamakailan.

Batay sa ulat bandang alas-4:30 ng madaling araw nang masakote ng mga elemento ng PDEA-ARMM sa pamumuno ni Director Yogi Filemon Ruiz si Dida sa aktong iniaabot ang isang sachet ng shabu sa poseur buyer ng mga otoridad sa operasyon sa Brgy. Taviran sa bayan ng Datu Odin Sinsuat.

Narekober sa suspek ang isang plastic sachet ng shabu, isang cal. 45 pistol na may limang bala, magazine at P100 marked money na pinagbentahan nito ng shabu.

 

Show comments