Truck hulog sa bangin, 4 utas

MANILA, Philippines - Patay agad ang apat na obrero habang 10 ang malubhang nasugatan nang mahulog sa bangin ang sinasakyang truck ng mga ito sa Brgy. Ilayang Banga, Majayjay, Laguna, Biyernes ng umaga.

Kinilala ang mga nasawing biktima na sina Ronald Grencio, Rian Grencio at Reynaldo Millet; pawang ng Brgy. San Miguel  at Elmer Maraveles  ng Brgy Ta­lortor ; pawang ng bayang ito.

Isinugod naman sa pagamutan ang mga nasugatang biktima na sina Rafael Empoy, Ricky Grencio, Benjan Asmil­ler, Angel Tanauan, Jolas Rocero, Romeo Revillosa,  Roel Rocero, Efren Iriga, Roberto Locag at ang driver ng truck na si Domingo Arsolazo.

Ayon kay Laguna Provincial Police Office (PPO) Director P/Sr. Supt. Romulo Sapitula, ang sakuna ay naganap dakong alas-5:30 ng umaga sa nasabing lugar, habang binabagtas  ng mga biktima ang matarik na highway sa Brgy. Ila­yang sakay ng Isuzu Elf truck na may plakang VCF-623, nang biglang mawalan ng kontrol ang manibela ng nasabing truck.

Bunga nito ay tuluy-tuloy na bumulusok sa walong talampakang bangin ang truck na ikinasawi at ikinasugat ng mga biktima.

Sa pahayag ng mga residente sa lugar, mas­yado umanong mabilis ang takbo ng truck  habang masusing iniimbestigahan ng mga awtoridad ang nasabing aksidente.

Show comments