PH-US defense deal pirmado na

Pinagmamasdan ni Pangulong Benigno S. Aquino si US President Barack Obama sa pagpirma nito sa Palace Guest Book sa Reception Hall ng Malacanang Palace nang dumating ito kahapon sa bansa.-MALACAÑANG PHOTO BUREAU-  

MANILA, Philippines - Nilagdaan na kahapon matapos ang dalawang taong negosasyon ang Enhanced Defense Comprehensive Agreement (EDCA) sa pagitan ng Pilipinas at Estados Unidos na naglalayong mapalakas pa ang presensya ng tropang Kano sa bansa ilang oras bago dumating sa bansa si US President Barack Obama para sa kaniyang 2 days state visit.

Ang kasunduan ay nilagdaan nina Defense Secretary Voltaire Gazmin at US Ambassador Philip Goldberg sa ginanap na seremonya kahapon sa Camp Aguinaldo.

Nakapaloob sa EDCA na tatagal ang kasunduan ng 10 taon na maaari pang palawigin kung saan madadagdagan at higit na marami ang magiging presenya ng mga sundalong Amerikano sa Pilipinas.

Sa ilalim nito ay mabibigyan ng access ang mga tropang Kano sa mga kampo ng militar sa bansa kung saan maa­ring maglagay ang US ng kanilang  mga supplies, mga armas, fighter jets, barkong pandigma at iba pa.

Tiniyak ni Goldberg na tatalima ang  Estados Unidos sa kasunduan at hindi magtatayo ng permanenteng military base sa Pilipinas.

Ayon sa US envoy, layunin lamang ng EDCA na mapalakas pa ang al­yansa ng dalawang magkaal­yadong bansa.

Samantala, hindi nadaanan kahapon ni US President Barack Obama ang mga kilos-protesta na inihandang pagsalubong ng mga militanteng grupo sa bumibisitang leader matapos na sumakay ito sa Marine One paglapag nito kahapon sa Ninoy Aquino International Airport (NAIA) patungong Malacañang Palace.

Sinalubong nina Vice-President Jejomar Binay, DFA Sec. Albert del Rosario, DILG Sec. Mar Roxas, Philippine Ambassador to US Jose Cuisia Jr. at US Ambassadort Philip Goldberg si Pres. Obama pag­lapag ng Airforce One sa NAIA bandang ala-1:25 ng hapon kahapon.

Sinalubong naman si Pres. Obama ng 21-gun salute ng honor guard sa welcome ceremony sa Malacañang grounds saka ito dumiretso sa Malacañang Palace.

 

 

Show comments