MANILA, Philippines - May kabuuang 50 tahanan ang naabo sa naganap na magkahiwalay na sunog sa Navotas City at Maynila kahapon.
Unang iniulat ng Navotas City Fire Department ang sunog ay sumiklab ng dakong ala-1:30 ng hapon sa isang squatters area sa M. Naval St., sa lungsod kung saan ay 30 kabahayan ang naabo.
Dahil dikit-dikit ang mga bahay na gawa lamang ang mga ito sa light materials kung kaya’t mabilis na kumalat ang apoy hanggang sa umabot ito sa mga kabahayang nasa Lapu-Lapu St. Wala namang naiulat na nasawi o kaya’y nasaktan sa naganap na sunog.
Sa Maynila naman ay nasa 20 bahay ang tinupok ng apoy makaraang masunog ang isang apartment sa San Andres, kahapon ng umaga.
Ang sunog sa panulukan ng Linao at Anakbayan Sts., San Andres ay nagsimula ng dakong alas-7:26 ng umaga at nagtagal ng dalawang oras bago tuluyang naapula.
Itinaas sa Task Force Alpha ang nasabing sunog ilang minuto lamang ang nakaraan dahil sa pawang yari sa light materials ang nasabing apartment.
Sa inisyal na ulat, unang nagsiklab ang bahay ng isang Kagawad Erlinda Salonga at mabilis na kumalat ang apoy sa kalapit na mga unit. Tinatayang nasa P3-milyon ang napinsalang ari-arian bagamat walang nasaktan o nasuÂgatan sa insidente.