Bank manager tinodas na sinunog pa

MANILA, Philippines - Binaril at sinunog ang isang Bank Manager sa loob ng bangko na pinagtatrabahuhan nito  sa bayan ng Ibajay,  Aklan kahapon ng umaga.

Ang biktimang si Gab­riel Manikan, resi­dente ng Poblacion, Ibajay, ay nagtamo ng dalawang tama ng bala ng baril sa dibdib at idineklarang dead-on-arrival sa Ibajay District Hospital.  Ayon sa report ng Ibajay Police, una silang nakatanggap ng report dakong alas-6:15 ng umaga na nasusunog ang Ibajay Rural Bank sa Brgy. Poblacion ng naturang bayan kaya naman agad na rumesponde ang Bureau of Fire Protection at naapula agad ang sunog dakong alas 6:45 ng umaga kung saan dito na nadiskubre ang sunog na katawan ng biktima.

Sa imbestigasyon, lumabas na alas-2 ng madaling-araw ay nagtungo ang biktima sa nasabing bangko para mag-audit, ngunit nasabayan ito ng dalawang  di kilalang suspects sa pagpasok sa bangko. Maaari umanong nasubaybayan ng mga suspects ang biktima.

Nadiskubreng nawa­wala ang P163,000 sa bangko habang nabigo naman ang mga ito na matangay ang P2 mil­yong halaga.

Sinisilip ng pulisya ang anggulo ng inside job habang patuloy na iniimbestigahan ang insidente.

 

Show comments