MANILA, Philippines - Pinag-iingat ng Department of Health ang mga bakasyunista at mga turista sa pagbabakasyon sa Puerto Galera.
Sa press statement ni Dr. Eduardo C. Janairo ng DOH-National Capital Region, pinayuhan ang mga magtutungo sa Puerto Galera, Oriental Mindoro na iwasan ang unprotected sex dahil isa ang lugar kung saan nananatiling problema ang HIV/AIDS.
Anya, mapipigil ang pagtaas ng kaso ng HIV sa bansa sa pamamagitan ng pagpapakalat ng tamang impormasyon sa publiko.
Nilinaw ni Dr. Janairo na gaya ng ibang karamdaman, ang HIV ay maaaring maiwasan sa pamamagitan nang hindi pakikipagniig kung kaninu-kaninong partner o kaya ay paggamit ng condom.
Sa report ng DOH, ang Puerto Galera ay nakahanay sa Category C Area, kung saan may mas mataas o higher risk ng pagkalat ng HIV.
Ilan sa mga kadahilanan kung bakit kadalasang nahahawa o magkaimpeksiyon ng Acquired Immune Deficiency Syndrome (AIDS) at Human Immunodeficiency Virus (HIV), ay mga kababaihang sex workers (FSWs), mga lalaking nakikipagtalik sa kapwa lalaki o males having sex with males (MSMs), injection of drug users (IDUs), at overseas foreign workers (OFWs).
Noong nakalipas na Pebrero 2014 ay Philippine HIV at ng AIDS Registry ang kabuuang 486 na bagong HIV positive individuals na kinumpirma ng STD/AIDS Cooperative Central Laboratory (SACCL).