MANILA, Philippines - Walang awang sinaktan ng isang ama ang kanyang 1-anyos na anak na lalaki at hindi pa nasiyahan ay kanya itong inihagis sa kalye matapos na marindi sa kaiiyak nito naganap kamakalawa sa Brgy. Guinles, Polanco, Zamboanga del Norte.
Ang ama na inaresto ng pulisya ay nakilalang si Christopher Ebahan, 27.
Ang biktima na ginagamot sa ospital ay nakilalang si Cris Glenn Ebahan.
Sa ulat ng pulisya, bago nangyari ang insidente dakong alas-4:00 ng hapon sa loob ng bahay ay nagkaroon muna ng pagtatalo ang suspek at misis nito sa hindi pa malaman na kadahilanan.
Kaya’t napilitang umalis ang ginang sa bahay at nagtungo sa bukirin at naiwan ang anak sa pangangalaga ng mister.
Nag-iiyak naman ang sanggol sa paghabol sa ina kaya nairita ang suspek at sinaktan ang anak hanggang ihagis ito sa kalye na nasaksihan ng kanilang kapitbahay.
Tumakas ang suspek nang makitang nangingitim at duguan ang sanggol matapos na tumama ang ulo nito sa kalye.
Nasakote ang suspek sa isang follow-up operation ng mga pulis.