MANILA, Philippines - Pinaulanan ng nasa 20 bala ang sasakyan ng isang pulis at misis nito ng isa sa dalawang lalaki na sakay ng motorsiklo kahapon ng umaga sa Mandaluyong City.
Namatay noon din si P/Chief Inspector Elmer Santiago, residente ng Pasig City, habang ang misis nito na si Agnes ay malubhang nasugatan at ginagamot ngayon sa Polymedic Medical Center.
Sa imbestigasyon ni PO2 Jay Segui, ng Mandaluyong City Police, dakong alas-10:30 ng umaga ay lulan ang mag-asawa ng kanilang itim na Toyota Altis, na may plakang WTY 700 at may Philippine National Police Academy (PNPA) commemorative plate sa harapan nito.
Habang binabagtas ng mag-asawa ang Talumpong St., Barangay Malamig ay sinabayan sila ng isang motorsiklo na sinasakyan ng dalawang lalaki at pagtapat sa sasakyan ng mga biktima ay bigla na lamang silang pinagbabaril ng nakaangkas sa motorsiklo.
Hindi namukhaan ng mga testigo ang mga suspek dahil pawang nakasuot ng bonnet na mabilis na tumakas matapos ang pamamaril.
Narekober ng Scene of the Crime Operatives (SOCO) ang mahigit sa 20 basyo ng bala ng hindi pa batid na kalibre ng baril sa lugar ng pinangyarihan.
Nabatid na si Santiago ay kasalukuyang nasa ‘floating status’ sa Central Luzon Police Regional Personnel Holding and Administrative Unit at dating nakatalaga bilang intelligence officer ng Bataan Provincial Police.