2 Intsik dakip sa P35-M shabu

MANILA, Philippines - Nasakote ng mga otoridad ang dalawang pinaghihinalaang big time Chinese drug trafficker sa isinagawang drug bust kamakalawa ng gabi sa San Pablo City, Laguna.

Kinilala ni Sr. Supt. Romulo Sapitula, Provincial Police Office (PPO) Director ng Laguna  ang mga nasakoteng suspek na sina Chen Wenyi, 44 at Zheng Lipang; pawang residente ng Binondo, Maynila.

Sa ulat, bandang alas-9:00 ng gabi nang magsagawa ng drug bust  operation ang  pinagsanib na elemento ng  San Pablo City Police, Anti- Illegal Drugs Special Operations Task Force (AIDSOTF) Camp Crame  at Provincial Intelligence Branch ng Laguna Police laban sa dalawang suspek sa kahabaan ng Maglalang Phase 2, New City Subdivision, Brgy. 1-B, San Pablo ng lalawigan.

Nabatid na isinailalim sa surveillance operations ang mga suspek matapos na makatanggap ng impormasyon ang mga otoridad na sangkot ang mga ito sa talamak na pagbebenta ng illegal na droga.

Hindi na nakapalag ang mga suspek matapos na makorner ng arresting team ng mga otoridad na pumoste at nakipag-deal sa mga ito.

Nasamsam mula sa mga suspek ang pitong malala­king transparent na plastic na naglalaman ng pitong kilo ng shabu na nagkakahalaga ng P 35 milyon, dalawang bundle ng P1,000 cash, isang kulay itim na kotseng Honda City (VED-995).

Show comments