Recall election sa Puerto Princesa napurnada

MANILA, Philippines - Walang magaganap na recall elec­tion sa Puerto Princesa City matapos na inia­nunsyo ng Commission on Elections (Comelec) na wala silang budget para pondohan ang recall process.

Kaya naman ay ikinatuwa ni Puerto Prin­cesa City Mayor Lucilo Bayron ang anunsiyo at
naniniwala na ang recall elections ay makaka-istorbo lamang sa kasalukuyang trabaho ng mga city officials.

Matatandaang tinalo ni Bayron sa eleksyon ang asawa ni dating mayor Edward Hagedorn matapos na lamangan ito ng mahigit sa 10,000 boto.

Muli ring iginiit ni Bayron na taliwas sa pahayag ng kanyang mga detractors, ang Puerto Princesa ay mayroong ideyal na peace and order situation sa ngayon at maaari kang maglakad sa kalsada
kahit anumang oras sa gabi nang walang pag-aalala sa iyong kaligtasan.

Idinagdag pa nito na sa loob lamang ng pitong buwan niyang pamumuno ay mas dumami pa ang mga turistang dumagsa sa Puerto Princesa, gayundin ang mga investors, kumpara sa kahalintulad na panahon ng nakalipas na administrasyon.

Hinimok na lamang ng alkalde ang mamamayan na magtrabaho na lamang ng masigasig at tahimik para sa higit pang pag-unlad ng kanilang lugar at kabuhayan.

 

Show comments