MANILA, Philippines - Kulungan ang binagsakan ng isang Italian Diplomat na umano’y pedopilya makaraang masangkot ito sa kasong child trafficking, sa isinagawang operasyon sa Splash Island Resort sa Biñan City, Laguna kamakalawa ng gabi.
Sa ulat ni Laguna Provincial Police Office (PPO) Director P/ Sr. Supt. Romulo Sapitula kinilala ang suspect na si Daniel Bosio, 46 anyos, binata, nagtatrabaho sa Ministry of Foreign Affairs bilang councilor sa Turkmenistan at pansamantalang nanunuluyan sa 30B Tower 1 sa Eastwood City sa Metro Manila.
Nadakip si Bosio dakong alas-8 ng gabi dahil sa reklamong isinampa nina Catherine Scerri at Lily Flordelis ng Bantay Tuluyan Foundation.
Nasakote ang suspect habang kasama ang tatlong batang lalaki sa Splash Island Resort na nagkakaedad 12, 10 at 9 anyos na galing pa sa Maynila.
Hindi na nakapalag ang nasabing diplomat matapos na mahuli sa akto ng mga awtoridad. Nahaharap ngayon sa kasong paglabag sa kasong paglabag sa Republic Act 9208 o ang Anti-Child Trafficking Law.