MANILA, Philippines - Isang dating Philippine Basketball Association (PBA) player Bryan Gahol, 36 at kasamang babae ang nasawi sa karambola ng tatlong sasakyan sa kahabaan ng South Luzon Expressway (SLEX), Alabang, Muntinlupa City kamakalawa ng gabi.
Hindi na umabot ng buhay sa Parañaque Medical Center si Gahol at ang kasama nitong babae na kinilalang si Rosemarie Calara, nasa hustong gulang at kapwa residente ng Dimasupil St., Barangay Timogan, Los Baños, Laguna.
Batay sa ulat, dakong alas-10:30 ng gabi ay lulan si Gahol ng Nissan Urvan (ZFK-893) patungong Quezon City kasama ang apat na iba nang masalpok sila ng cargo jeep (VRB-364) na may kargang sibuyas mula San Jose, Occidental Mindoro na minamaneho ng isang Alfredo Abe, 42.
Hindi nakontrol ng driver ang preno kung kaya’t nabangga nito ang tractor head ((UOS-772) na minamaneho ni Felix Moztaza, 36, ng Zone 8, Barangay Pangao, Lipa City.
Muling kumabig ang cargo jeep sa kaliwa kaya’t tinamaan naman nito uli ang sa left inner lane ang Nissan Urvan na sakay ng mga nasawing biktima.
Napag-alaman na galing Laguna sina Gahol at mga kasama nito at patungo sanang Commonwealth, Quezon City para dumalo sa isang lamayan.
Ang 6’4†na si Gahol ay pinili na ikaapat na overall noong 1999 sa PBA draft ng Mobiline Phone Pals (na ngayon ay Talk ‘N Text Tropang Texters).
Pagkatapos ay naging player din ito ng Alaska, San Miguel Beer at Red Bull bago natapos ang kanyang career noong 2006.
Pumasok si Gahol sa pulitika at naging konsehal ng Los Baños, Laguna noong 2010 at nang muling tumakbo noong 2013 ay natalo ito.