MANILA, Philippines - Todas ang hepe ng pulisya makaraang ambusin ng hindi pa nakikilalang salarin na naganap sa highway ng Brgy. Dulagan, Datu Odin Sinsuat, Maguindanao, kamakalawa ng hapon.
Kinilala ang nasawing opisyal na si Inspector Tiongan Namla, Chief of Police sa bayan ng Mother Kabuntalan, Maguindanao.
Nabatid mula kay Sr. Supt. Rodelio Jocson, hepe ng Maguindanao PNP, ang pananambang sa biktima ay naganap dakong alas-5:45 ng hapon.
Sinasabing sakay ang biktima ng kanyang motorsiklo at habang binabagtas ang highway sa Barangay Dulagan, Datu Sinsuat ng ambusin ng mga salarin na sakay ng isang pick-up at dalawang back-up na motorsiklo.
Agad umanong pinaulanan ng bala ng mga armadong lalaki ang biktima na duguang tumilapon sa kanyang motorsiklo.
Pagbagsak sa kalsada ay nilapitan pa ng dalaÂwang suspek at muli pinagbabaril para matiyak na patay ang biktima.
Matapos ang insidente ay mabilis na nagsitakas ang mga salarin patungo sa direksyon ng Cotabato City.
Narekober ng mga nagrespondeng awtoridad ang mga basyo ng bala ng cal. 45 baril at M-16 armalite rifles.
Hinihinalang matinÂding galit o kaya ay atraso ang motibo ng krimen dahil tiniyak ng mga salarin na patay ang kanilang biktima.
Ipinag-utos na ni Jocson ang masusing imÂbestigasyon para matukoy, madakip at mapanagot sa krimen na ginawa ng mga salarin.