MANILA, Philippines - Isang pulis at isang ang abogado ang nasawi sa magkahiwalay na pag-atake ng mga suspek na nakamotorsiklo sa Cavite at Maynila.
Idineklarang dead-on-arrival sa ospital ang biktimang si PO1 Aries Aquino, nasa hustong gulang, nakadestino sa Noveleta, Cavite at residente ng Brgy. Salinas, Bacoor, Cavite.
Nasa kritikal naman ang angkas nitong asset na si Jaime Breyro Jr., 49, ng Brgy. San Roque, Cavite City.
Sa ulat, dakong alas- 4:00 ng hapon ay sakay ang mga biktima ng kulay pulang Honda XRM (UI-2331) at binabagtas ang lugar nang bigla na lamang pinagbabaril ng hindi nakilalang mga suspek na sakay din ng single na motor.
Samantala, nasawi rin si Atty. Clemente Laudencia, ng 677 Lerma St., Mandaluyong City na umano ay corporate lawyer ng San Miguel Corporation at may-ari ng isang printing press, sa Sta. Ana, Maynila dahil sa tama ng bala sa leeg, katawan at braso.
Sa ulat ng Manila Police District-Homicide Section, dakong alas-10:15 ng umaga ay sakay ang biktima ng kanyang kulay gray na Honda Civic (ZNP-207) kasama ang misis galing sa kanilang printing press.
Pagdating sa panulukan ng Panaderos at Azucena Sts., Sta., Ana ay bigla na lamang pinagbabaril ang biktima at hindi dinamay ang misis at driver nito.
Hindi nakilala ang bumaril na nakasuot ng helmet, face mask, naka-long sleeve at pulang motorsiklo habang isa pang suspek na naka-helmet na hinihinalang look out.