MANILA, Philippines - Dinadagsa at dinarayo ng mga turista ang Puerto Prinsesa kaya nakamit nito ang pagiging ‘tourism boom’ sa loob ng pitong buwang panunungkulan ni Mayor Lucilo Bayron.
Sinabi ni Mayor Bayron, ang rekord sa kanilang tourism office ang makapagsasabi na ngayon lamang nakamit ng Puerto Prinsesa ang pagiging ‘tourism boom’ na hindi nangyari sa loob ng 20 taong panunungkulan ng nakaraang administrasyon.
Ayon sa Alkalde, nasa 367,001 na ang mga dayuhang turista ang nagtungo sa Puerto Prinsesa mula lamang nitong July 2013 hanggang Enero ng 2014 kumpara sa 355,805 na turista noong July 2012 hanggang Enero 2013 na panahon ng dating alkalde na si Edward Hagedorn, na mas mataas ng 11,196.
Hinihinala ni Mayor Bayron na pulitika ang nasa likod ng paglutang ng mga negatiboÂng ulat hinggil sa lagay ng industriya ng turismo at paglobo umano ng kriminaliÂdad sa lungsod kasunod ng inihaing recall petition laban sa kanya.
Hindi nababahala si Mayor Bayron sa mga ‘demolition job na ginagawa sa kanya ng kanyang kalaban sa pulitika dahil mismong mga residente ang hindi naniniwala sa paninira sa kanya.
Tinalo ni Mayor Bayron ng mahigit sa 10,000 boto ang misis ni Ex-Mayor Edward Hagedorn noong nakalipas na election dahil ayaw na umano ng mga residente sa ‘gold, guns and goons’ na uri ng pulitika sa kanilang probinsiya.
Tiniyak ni Mayor Bayron na paiigtingin pa niya ang seguridad at kaayusan sa lungsod para patuloy na dagsain ng mga turista ang kanilang lugar makaraang itanggi mismo ni MIMAROPA Police Regional Director, Gen. Melito Mabilin ang napaulat na pagtaas ng kriminalidad sa Puerto Prinsesa.