Multicab nadaganan ng puno: 1 dedo, 4 sugatan

MANILA, Philippines - Patay ang isang 63-anyos na ginang habang sugatan ang apat nitong kasama makaraang mabagsakan ng nabuwal na punongkahoy ang sinasakyan ng mga ito sa Murcia, Negros Occidental kamakalawa ng hapon.

Kinilala ang nasawi na si Ofelia Acosta, na napuruhang tamaan ng bumagsak na puno.

Patuloy namang nilalapatan ng lunas sa Western Visayas Regional Hospital ang mga nasugatang sina Ruby Ann Acosta, Lea Acosta, isang menor de edad na kinilala sa palayaw na Rose at isang taong sanggol.

Sa ulat ng Negros Occidental Police, naganap ang insidente sa Brgy. Alegria , Murcia habang kasalukuyang dumaraan ang multicab na sinasakyan ng mga biktima.

Eksakto namang tumama sa multical ang nabuwal na matandang puno na ikinasawi ng matanda at ikinasugat ng apat na iba pa.

Nabatid pa na ang sakuna ay naganap sa gitna na rin ng malakas na pagbuhos ng ulan sa nasabing lugar.

 

Show comments