MANILA, Philippines - Isang malaking sunog ang sumiklab kahapon ng madaling araw sa Tondo, Maynila at tinatayang nasa 150 kabahayan ang naabo.
Ayon sa Manila Fire District, ang sunog ay naganap dakong ala-1:00 ng madaling araw sa CP Garcia St., at Road 10 sa Tondo, Maynila at nagtagal ng hanggang alas-7:00 ng umaga at umabot sa Task Force Bravo ang alarma bago tuluyang naapula.
Sinasabing gawa lamang sa kahoy at dikit-dikit ang mga bahay kaya mabilis na nalamon ng apoy.
Umaabot sa 200 hanggang 250 pamilya ang nawalan ng tirahan sa nasabing sunog na ngayon ay pansamantalang kinakanlong sa covered court at eskuwelahan ng Tondo ang mga nasunugan.
Tinatayang aabot sa P5-M ang halaga ng mga ari-arian na naabo sa sunog na hindi pa alam kung ano ang tunay na pinagmulan nito.