MANILA, Philippines - Huli sa pinagsanib na tauhan ng National Bureau of Investigation (NBI), Naval Intelligence and Security Group, Philippine Center for Transnational Crime at Presidential Anti-Organized Crime Commission ang lima katao na pinaniniwalaang sangkot sa pagpapakalat ng iligal na droga at gun-for-hire sa Las Piñas City nitong Huwebes.
Kinumpirma ni NBI Director Virgilio Mendez ang pagkaka-aresto sa lima na sina Phon Mohammad Mansul, isang dating pulis sa Zamboanga at lider ng grupo at mga kasamahang sina Bamher Baid Hamsi, Abraham Adani Unaid, Nasrip Bustama Mohammad, at Abdusahar Sabtal Albi.
Nasakote ang lima sa kanilang safehouse sa Electra street, Gatchalian Subdivision, Manuyo 2, Las Pinas, noong Marso 13, 2014 ng magkakasanib na puwersa ng mga awtoridad .
Hindi na umano nakapanlaban ang mga suspek dahil sa oras ng pagsalakay ay pawang mga ‘high’ sa droga o nasa impluwensiya ng iligal na droga ang mga suspek.
Narekober mula sa kanilang safehouse ang mga matataas na kalibre ng baril, granada na C-4 , at iba pang sangkap sa paggawa ng pampasabog.
Sinasabing ang grupo ay hindi lamang nasasangkot sa mga mabibigat na krimen kungdi tagasuporta rin umano ng bandidong Abu Sayyaf Group.