3 Pintor dedo,1kritikal sa hulog

MANILA, Philippines - Binawian ng buhay habang nilalapatan ng lunas sa mga ospital ang tatlong pintor habang nasa malubhang kalagayan ang isa pa nilang kasamahan matapos na mahulog mula sa ikaapat na palapag na gusali na kanilang pinipinturahan kahapon ng umaga sa Quezon City.

Ang mga nasawi ay kinilalang sina Noel Odot, 33; Emmanuel Cruza, 32; at Mark Truces, 25; pawang mga house painter at stay-in sa kanilang pinagtatrabahuhan. Habang nasa malubhang kalagayan ang isa pang kasama na si Bejan Sapungan, 29.

Batay sa ulat, dakong alas-11:41 ng umaga nang maganap ang insidente sa gusali ng Lipton na matatagpuan sa Greenville Subdivision, Brgy. Sauyo sa lungsod.

Sa salaysay ng isang obrero na si Bernie Badayos, nakita niya ang mga biktima na nagpipinta sa may ikaapat na palapag ng nasabing gusali at ilang sandali ay nakarinig siya ng malakas ng kalabog mula sa nasabing lugar.  

Nang puntahan nito ang pinagmulan ng kalabog ay nakita niya ang mga biktima na duguang nakahandusay sa semento at pawang mga walang malay tao.

Malaki ang hinala ng pulisya na nahulog mula sa tinutungtungan na andamyo ang mga biktima dahil nasa katawan nila ang harness.

Agad na itinakbo ng mga kasama ang mga biktima sa sa magkahiwalay na ospital ng Global Medical Center (GMC) at East Avenue Medical Center (EAMC).

Iniulat na binawian ng buhay habang nilalapatan ng lunas ganap na alas-3:40 ng hapon si Odot habang si Cruza ay idineklara namang patay alas-4:15 ng hapon sa EAMC at si Truces ay alas-11:35 ng gabi binawian ng buhay. Habang si Sapungan na inilipat sa Quezon City General Hospital ay patuloy na inoobserbahan.

Ang mga biktima ay pawang nagtamo ng matinding pagkabasag sa kanilang mga ulo at bugbog sa iba’t ibang bahagi ng kanilang katawan.

 

Show comments