Tanod inutas ng kabaro

MANILA, Philippines - Utas ang isang barangay tanod makaraang barilin ng kanyang kapwa barangay tanod ilang minuto habang sila ay nagkukuwentuhan sa Quezon City, kamakalawa ng gabi.

Si Cecilio Dela Cruz Jr., 43, ng Lagusan St., Apolonio Samson ay nagawa pang maisugod sa ospital, subalit idineklara ring dead-on-arrival.

Ayon kay PO2 Marlon dela Vega, imbestigador, ang suspek ay tinutugis na nila ngayon ay kinilalang si Rodolfo Santos, 45, at residente rin sa naturang lugar.

Sinabi Dela Vega, nangyari ang insidente sa may harap ng outpost ng BSO na matatagpuan sa Parkway Village, Caroline St., Brgy. Apolonio Samson, ganap na alas-7:15 ng gabi.

Nakikipagkuwentuhan umano ang biktima sa kanyang kaibigan na si Dennis Ruiz at sa suspek, nang sa kalagitnaan ng kuwentuhan ay biglang nagbunot ng baril ang suspek saka binaril ang biktima.

Matapos ang pamamaril ay  agad na sumibat papalayo sa lugar ang suspek habang ang biktima naman ay isinugod ni Ruiz sa Quezon City General hospital, pero idineklara rin itong patay.

Hinihinalang may dati ng alitan ang dalawang tanod na posibleng dahilan ng  krimen.

 

Show comments