Bangkay ng lalaki sa balikbayan box kinilala

MANILA, Philippines - Kinilala kahapon ng kanyang kaanak ang natagpuang bangkay ng isang lalaki na isinilid sa balikbayan box at itinapon kamakailan sa Pasay City.

Ang biktima ay kinilalang si Misael Del Prado, 38, isang real estate agent at residente ng Cluster 2 Unit 8, GG Condominium, Boni Serrano, Cubao, Quezon City.

Nabatid na nagtungo sa pulisya si Percival Dela Cruz, 30, Baclaran, Parañaque City upang alamin kung ang bangkay ng lalaki na natagpuang nakasilid sa balikbayan box ay kanyang pinsang nawawala matapos niya itong nabasa sa diyaryo.

Nang beripikahin ni Dela Cruz ang bangkay sa punerarya ay positibo na iyon ang nawawala niyang pinsan na si Del Prado na may tattoo na “Cheska”.

Ayon kay Percival huling nakita niyang buhay ang biktima nang umalis ito ng bahay na  may kasamang dalawang lalaki sa may M. Dela Cruz St., Pasay City at simula noon ay hindi na ito nakauwi.

Malaki ang hinala ng pulisya na ang dalawang lalaki na kinilalang sina Joseph Torrente, 30, at isang Fernand Villegas na residente rin sa naturang lugar ang may kagagawan nang pagpatay sa biktima matapos na nahuli rin ito sa CCTV na itinatapon ang bangkay ng biktima habang nakasilid sa balikbayan box noong Marso 4 ng taong kasalukuyan.

Patuloy nagsasagawa ng manhunt operation ang pulisya laban sa dalawang suspek.

 

Show comments