MANILA, Philippines - Nadakip ng mga kagawad ng Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) ang isang suspek na kinilalang si Muhammad Salih, residente ng Brgy. Bahay Toro sa isang buy bust operation at nakumpiska rito ang limang kilo ng shabu na nakalagay sa bag kahapon sa Quezon City.
Batay sa ulat, dakong ala-1:30 ng hapon nang magsagawa ng isang buy bust operation ang mga otoridad malapit sa isang supermarket na matatagpuan sa parking lot ng Cherry Fooderama sa kanto ng Pangilinan St., Congressional Avenue.
Nabatid na nakipagtransaksyon ang PDEA sa suspek hingil sa pagbili nila ng halagang P200,000 para sa 100 gramo ng shabu.
Nagkasundo ang suspek at operatiba na magpalitan ng items sa nasabing lugar at nagpanggap na poseur buyer ang isang PDEA.
Nang dumating ang suspek sakay ng kanyang isang Montero Sport na may conduction sticker na BZ-0089 at nang magÂkabayaran na sa dalang supot na droga ay dito na nag sulputan ang mga otoridad at dinakip ang suspek.
Nang halughugin ng tropa ang sasakyan ay saka natuklasan ang iba pang supot ng droga na may kabuuang limang kilo na may market value na P30 milyon.