MANILA, Philippines - Matapos na mahuli sa aktong natutulog ang mga pulis at marumi pa ang kanilang istasyon ay sinibak sa puwesto ni Manila Police District (MPD) Director Chief Supt. Rolando Asuncion ang buong puwersa ng MPD-Barbosa Police Station kahapon ng umaga sa Quiapo, Maynila.
Inalis sa puwesto sina Barbosa-PCP commander Chief Insp. Joselito De Sesto, kanyang deputy na si Insp. Joel Guimpatan at 19 pang pulis.
Ayon kay Asuncion, papunta na siya sa kanyang opisina nang maisipan lamang niya na magtungo sa Barbosa PCP upang makita ang mga pulis Maynila na may disiplina.
Nagkunwari si Asuncion na magpapa-blotter na agad siyang pinalapit ng sarhento de mesa at hindi siya nakilala nito.
Nakita ni Asuncion na may mga natutulog, ash tray, bote na nakakalat sa sahig kaya’t kinunan niya ito ng video gamit ang kanyang cellphone.
Subalit, isa sa mga pulis ang nakakita sa kanya at sinita kaya’t dito na nagpakilala si Asuncion bilang district director at inutos na magsilabas ang lahat ng mga pulis na agad namang nagsagawa ng formation.