Driver binoga sa ulo, dedo

MANILA, Philippines - Dedo ang isang driver ng pampasaherong jeepney makaraang barilin sa ulo ng hindi pa nakikilalang salarin sa Quezon City kahapon ng umaga.

Dead-on-the spot ang biktimang si Reynan Castro, 35, nakatira sa #68 San Jose St., Project 8 sa lungsod.

Ayon kay SPO2  Pascual Fabreag, may-hawak ng kaso, nabatid na ang pamamaril sa biktima ay naganap  sa service road ng Quirino Highway, Balintawak, ganap na alas-10:30 ng umaga.

Ayon sa testigong si Joel Cadulasan, nakatayo siya sa lugar nang magulat sa biglang pagparada ng isang pampasaherong jeepney na may biyaheng SM North-Muñoz sa gitna ng kalye, pero walang pasahero.

Nagpasya si Cadulasan na tingnan kung ano ang nangyari, hanggang sa makita ang driver na may umaagos ng dugo sa ulo.

Agad na ipinagbigay alam ni Cadulasan sa barangay ang kanyang nakita na siya namang tumawag ng mga awtoridad para sa imbestigasyon.

Nagtataka naman ang mga kaanak ng biktima kung papaano napunta sa nasabing lugar si Castro dahil hindi naman iyon ang kanyang ruta sa pamamasada.  

 

Show comments