MANILA, Philippines - Dumami ang bilang ng mga pulis na ‘matulis na ikinaalarma ng pamunuan ng Philippine National Police (PNP) dahil hindi na nagbibigay ng sustento sa kanilang mga legal na pamilya.
Sa rekord ng PNP-Women and Children Protection Center, nasa 542 mga pulis ang inireklamong nagpapabaya sa kanilang mga dependents na bumabagsak sa kategoryang ‘abandonment at non-support ‘.
Ang nasabing bilang ay mas mataas kumpara noong nakalipas na taon na nakapagtala lamang ng 327 mga pulis na pabaya sa kanilang mga pamilya.
Sinabi ni Sr. Supt. Juanita Nebran, hepe ng Women and Children Protection Center, hanggang ngayon ay patuloy pa ang paglobo ng mga inirerekÂlamong mga pulis.
Ayon kay Nebran, ang reklamong kanilang natatanggap ay hindi lamang galing sa mismong legal na misis at mga anak.
Aniya, pati mga ‘kulasisi’ o number 2 at kanilang mga supling ay nagtutungo na rin sa kanilang opisina upang ireklamo ang paghinto ng sustento ng mga ‘matutulis’ na pulis.
May mga kaso rin na nadadaan naman aniya sa magandang usapan kapag ipinagharap ang inirerekÂlamo at ang nagrereklamo tulad ng ‘settlement’o boluntaryong ibigay na lamang ng isinusumbong na pulis ang kanilang ATM sa kanilang mga misis.
Sa panig naman ni Supt. Lucio Rosaroso, ‘divine intervention’at kailangang maging maka-Diyos ang mga pulis upang mapatino ang mga ito at huwag mangaliwa sa kanilang mga misis.
Sa bisa ng memorandum na inisyu ni PNP Chief P/Director General Alan Purisima, ikakasa ng Chaplain Service ang pagsasagawa ng ‘pastoral visit’ sa lahat ng mga himpilan ng pulisya upang madaan sa konsensiya ang mga pulis na nagpapabaya sa kanilang mga pamilya.