Utol dinedbol dahil sa remote control

MANILA, Philippines - Idineklarang dead on arrival sa ospital ang isang 21-anyos na binata matapos na siya ay saksakin ng kanyang kuya dahil sa pinag-aagawang remote control ng telebisyon naganap kamakalawa ng gabi sa Molave, Zamboanga del Sur.

Ang nasawi ay kinila­lang si Jonathan Bernido, college student ng Purok Lili, Brgy. Bogo, Capalaran, Molave.

Kusang loob na sumuko sa pulisya ang suspek na si Michael Bernido, 23, may-asawa  at resi­dente rin sa naturang lugar.

Lumalabas sa imbestigasyon, na bago nangyari ang krimen dakong alas-7:15 ng gabi sa loob ng bahay ng pamilya ay magkasamang nanonood ng telebisyon ang biktima at kanyang nanay.

Ilang sandali ay hindi na umano nagustuhan ng biktima ang palabas sa telebisyon kung kaya’t kinuha nito ang remote control sa nanay.

Ayaw naman ng ina na maglipat ng channel kung kaya’t nagkaroon ang mag-ina ng mainitang pagtatalo na kung saan ay nakita ng suspek at hindi nagustuhan ang pag-agaw ng remote control sa kanilang ina.

Nagdilim ang pani­ngin nito at walang sabi-sabing kumuha ng patalim at itinarak sa bunsong kapatid na agad bumulagta.

Isinugod nila ang biktima sa ospital, subalit hindi na ito umabot ng buhay. 

 

Show comments