Pedestrian nasagasaan ng motorsiklo sa Pasay, patay

MANILA, Philippines - Patay ang isang pedestrian matapos masagasaan habang sugatan  naman ang driver motorsiklong nakabangga sa biktima na naganap kahapon ng umaga  sa Pasay City.

Dead-on-the-spot ang biktimang si Edgardo Sagun, residente ng Makati City dahil sa tinamong matinding pinsala sa ulo at katawan habang tumilapon naman ng may 20-metro mula sa pinangyarihan ang driver ng motorsiklo na si Edmund Balderan, 31, kusinero ng isang restaurant sa Diosdado Macapagal Avenue, Pasay City na ngayon ay ginagamot sa isang hospital.

Sa imbestigasyon ni PO3 Marianito Agas  ng Pasay City Traffic Management Unit, nabatid na ang insidente ay naganap  dakong alas-5:30 ng umaga sa kahabaan ng Roxas Boulevard corner EDSA.

Ayon kay Balderan, tinatahak niya ang kahabaan ng Roxas Boulevard patungong EDSA  Avenue ng biglang tumawid ang biktima mula sa madilim na bahagi ng lansangan.

Sinabi ni Balderan, nagpreno siya pero hindi na rin kinaya ng kanyang motorsiklo kaya nahagip nito ang biktima.

Show comments