MANILA, Philippines - Isang prominenteng abogado, dalawa nitong bodyguard ang nasawi habang isa ang nasa kritikal na kalagayan matapos na pagbabarilin habang sakay ng kanilang sasakyan kahapon sa highway sa bayan ng Dalaguete, Cebu.
Ang mga nasawi ay kinilalang sina Atty. Noel Archival, dalawang bodyguard nito na sina Edwin Lanuza at Paulo Cortez habang nasa kritikal namang kondisyon sa Vicente Sotto Memorial Medical Center sa Cebu City ang driver nitong si Alejandro Jaime dahil sa mga tama ng bala ng armalite sa iba’t ibang bahagi ng katawan.
Sa imbestigasyon, dakong alas-2:00 ng hapon ay kagagaling lamang ni Archival sa pagdalo sa pagÂlilitis ng korte sa kasong droga sa Dumaguete City nang paulanan ng bala ang kulay itim na Ford Escape (YGE-240) sa hangganan ng Brgy. Coro at Dalahigan.
Malaki ang paniwala ng pulisya na ang nasabing abogado ay target ng pag-atake at pabalik na sa Cebu City nang pagbabarilin ng mga suspek na sakay ng dalawang behikulo.
Ang biktima ay kilaÂlang abogado sa Cebu na marami ng hinawakang kasong may kinalaman sa droga at nagtanggol sa ilang pulis na nahaharap sa kasong kriminal.
Iniimbestigahan ng mga otoridad ang malaÂking posibilidad na may kinalaman sa trabaho ang motibo ng pamamaslang sa abogado.