Riding-in-trio dedo sa barilan

MANILA, Philippines - Napatay ng mga otoridad ang tatlong lalaki na sakay ng isang motorsiklo matapos na makipagbarilan sa Quiapo, Maynila kahapon ng madaling-araw.

Walang nakuha na anumang identification card sa bangkay ng tatlong lalaki na ang una ay inilarawan na nasa pagitan ng  edad na 30 hanggang 35, payat at nakasuot ng t-shirt at itim na shortpants, bullcap at may sling bag na itim na nakasabit sa katawan; ang ikalawa ang nasa pagitan ng  edad 25-30, katamtaman ang pa­ngangatawan, nakasuot ng stripe na t-shirt, shortpants, tsinelas at itim ang sinturon at ang ikatlo ay nasa 30-35 ang edad, payat at kulay pula ang t-shirt, pantalon na maong.

Narekober sa tatlo ang dalawang kalibre. 38 na baril at isang kalibre. 22 at ang motorsiklong sinakyan na Motorstar  (2239-TB).

Batay sa ulat, alas-2:00 ng madaling-araw nang maganap ang shootout sa underpass ng Quezon Blvd., Quiapo, Maynila.

Nabatid na natiyempuhan lamang ng mga otoridad ang mga suspek dahil ang orihinal nilang pakay ay ang pagsisilbi ng warrant of arrest laban sa isang Gerald Li alyas “Jekjek” at isang Kris John Pineda, na may kasong murder sa Manila Regional Trial Court Branch 5.

Habang sakay ng mobile car ang mga pulis para sa pagdakip sa mga suspek at pagsapit sa kanilang target area sa Lope De Vega St., Sta Cruz ay nagulat sila nang paputukan  ng mga suspek  na tumama umano sa kanilang mga sasakyan.

Nauwi sa habulan at putukan hanggang sa bumulagta ang tatlo.

Hindi umano akalain ng mga pulis na nakapanghol­dap ang tatlo na naghinala na sila ang huhulihin nang makita ang mobile car.

Positibo namang kinilala ng mga biktima ng holdap ang mga suspek na nangholdap sa kanila sa bahagi ng Andalucia St., Sta. Cruz na nakatangay ng mga mamahaling gamit at pera.

 

Show comments