Ex-convict pinabulagta

MANILA, Philippines - Bulagta ang isang 24-anyos na dating bilanggo nang barilin ng malapitan ng hindi pa nakikilalang suspek sa San Andres, Maynila, kahapon ng madaling araw.

Ang biktima ay kinilalang si John Julius Pamintuan, nakikitira sa  #2515 Radium  St., San Andres, Maynila sanhi ng tinamong tama ng bala sa sentido at kamay.

Sa ulat ni PO2 Michael Maraggun ng Manila Police District-Homicide Section, bandang ala-1:30 ng mada­ling araw ng maganap ang pamamaril sa biktima  sa panulukan ng Zobel at Radium Sts., sa  San Andres, Maynila.

Sa naging pahayag ng ama ng biktima na si Rodrigo Pamintuan, nakulong sa Manila City Jail ang kanyang anak dahil sa kasong robbery at matagal ng hindi umuuwi sa kanilang tahanan sa halip ay nakikitira na lamang sa mga kaibigan.

Ayon sa report, naglalakad umano ang biktima sa Zobel at Radium Sts., nang lapitan siya ng suspek at walang sabi-sabing paputukan ng malapitan.

Hindi pa batid ng pulisya ang motibo ng krimen at kung sino ang taong responsable sa nasabing pamamaril.

 

Show comments