Van sinalpok ng truck: 3 todas, 11 sugatan

MANILA, Philippines - Tatlong katao ang nasawi habang 11 ang nasugatan matapos na salpukin ng isang dump truck ang sinasakyan nilang van na patungo sana sa ospital para magpa-check-up naganap kamakalawa ng gabi sa Brgy.Talaga, Argao, Cebu.

Ang mga nasawi ay kinilalang  sina Rosalinda Laurente, Guillerma Belandres at 10 anyos na batang lalaki.

Mabilis na isinugod sa  Vicente Sotto Memorial Medical Center (VSMMC) ang mga nasugatan na sina Arieta Caracol, 42; Stephanie Belandries, 17; Dan Luster Cala, 18; Jessica Celerio, 31; Luis Caracol, 31; Aliosa Caracol, 14; Lorna Minao, 46; Ryan Minao, 12 ; Abegail Entice at iba pa.

Sa ulat ng Police Regional Office (PRO), bandang alas-7:00 ng umaga nang maganap ang malagim na sakuna sa pakurbadang daan sa Sitio Baybayon, Brgy. Talaga ng nasabing bayan.

Nabatid na bumabagtas sa nasabing lugar ang kulay puting Isuzu L300 van (TOC306) na nag-overtake sa tricycle, subalit nahagip ng kasalubong na 10 wheeler Fuzo truck (KED 200 ) at sa lakas ng impact ay nasawi ang tatlong biktima.

Nabatid na patungo ang L300 van na minamaneho ni Jose Entice, 36, sa Chong Hua Hospital upang ipa-check-up ang mga may kapansanang lulan ng van  na inisponsoran ng non government organizations nang mangyari ang sakuna.

Show comments